May posibilidad na iakyat sa Korte Suprema ng kampo ni Vice President Sara Duterte ang usapin sa ibinabang voting threshold para sa conviction sa impeachment trial.
Ayon kay Atty. Michael Poa, spokesperson ng defense team, lumahok sila sa oral arguments upang ilahad ang kanilang posisyon sa bilang ng mga boto na kinakailangan para mahatulan ang bise presidente.
Sinabi ni Poa na hindi nila isinasantabi ang posibilidad na dalhin sa Supreme Court ang naturang usapin matapos baguhin ng impeachment court ang naunang requirement na 16 na boto para sa conviction.
Gayunman, kailangan muna umano nilang pag-usapan ito kasama si Duterte bago magpasya kung anong legal na hakbang ang kanilang gagawin.
Samantala, sinabi ng impeachment court nitong Setyembre 23 na ang voting threshold ay ibabatay sa mga senador na legal at aktuwal na makalalahok sa paglilitis.










