--Ads--

Mariing iginiit ni Vice President Sara Duterte na hindi siya magbibitiw sa puwesto sa kabila ng kinakaharap na impeachment trial, dahil aniya ay pagtataksil ito sa milyun-milyong Pilipinong bumoto sa kanya.

Sa kanyang pagbisita sa Filipino community sa London, United Kingdom nitong Sabado, sinabi ni Duterte na hindi kailanman niya ikokonsidera ang pagbibitiw bilang Bise Presidente.

Ayon sa kanya, may mandato siyang ipinagkaloob ng 32.2 milyong botante kaya hindi niya maaaring talikuran ang kanyang tungkulin.

Dagdag pa ni Duterte, kung nais umano siyang mapatalsik ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., gawin na lamang nito ang lahat ng legal na hakbang upang mangyari ito.

--Ads--

Sa kabila ng impeachment proceedings, sinabi ng Bise Presidente na nakatuon pa rin siya sa trabaho ng Office of the Vice President at sa paghahanda ng kanyang defense team para sa paglilitis.

Nagpasalamat din siya sa kanyang mga abogado at mga tagasuporta sa patuloy na pagtitiwala at suporta sa kanya.

Samantala, sinabi ni Duterte na anumang paghahanda para sa 2028 elections ay isasagawa lamang matapos matapos ang impeachment trial.

Magpapatuloy ang impeachment proceedings sa Senado sa Hulyo 29 matapos ang State of the Nation Address ni Pangulong Marcos ngayong Lunes.