--Ads--

Walang anumang ikinababahala si Vice President Sara Duterte kaugnay ng nagpapatuloy na impeachment trial laban sa kanya, ayon sa kanyang tagapagsalita na si Michael Poa.

Sa isang panayam nitong Miyerkules, sinabi ni Poa na maayos ang kalagayan ng Bise Presidente habang nagpapatuloy ang ikalawang linggo ng impeachment trial.

Ayon kay Poa, nakakausap niya si Duterte nitong mga nakalipas na araw at wala naman aniya itong ipinahahayag na anumang problema.

Dagdag pa niya na bilang isang abogado, nauunawaan ni Duterte ang mga nagaganap na proseso sa paglilitis kaya nananatili itong kalmado sa kabila ng mga pagdinig.

--Ads--

Gayunman, sinabi ni Poa na hindi pa nila nakakausap si Duterte matapos ang mga naging pagdinig nitong Miyerkules at nais din niyang malaman ang pananaw nito hinggil sa mga naging kaganapan sa impeachment court.

Sa unang anim na araw ng paglilitis, hindi pa dumadalo si Duterte sa Senate impeachment court. Bagama’t nagtungo siya sa Senate complex sa Pasay City noong Hulyo 7, nakipagpulong lamang siya sa kanyang defense team at hindi dumalo sa pagdinig.

Hindi rin dumalo ang Bise Presidente sa alinman sa mga pagdinig ng House Committee on Justice sa loob ng tatlong buwang deliberasyon ng impeachment complaint laban sa kanya sa kabila ng mga ipinadalang imbitasyon.

Magpapatuloy ang impeachment trial sa Hulyo 20 alas-2 ng hapon, ngunit wala pang kumpirmasyon kung personal na haharap si Duterte sa Senado.