Tinawag ni Vice President Sara Duterte na umano’y “tuta” nina Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at dating senador Antonio Trillanes IV ang International Criminal Court (ICC) habang nakikipagpulong sa mga tagasuporta ng kanilang pamilya sa The Hague, Netherlands.
Sa kanyang talumpati nitong Miyerkules, Hulyo 29, sa harap ng mga Duterte supporters na nagtipon sa labas ng ICC, kinuwestiyon ng Bise Presidente ang pagiging patas ng internasyonal na hukuman habang nagpapatuloy ang pagdinig sa kasong crimes against humanity laban kay dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Iginiit ni Duterte na ginagamit umano ang ICC laban sa kanilang pamilya at binatikos ang sinasabing papel nina Pangulong Marcos at Trillanes sa pagsasampa ng kaso at pag-aresto sa dating Pangulo.
Matatandaang patuloy na iginigiit ng kampo ni dating Pangulong Rodrigo Duterte na wala nang hurisdiksyon ang ICC sa Pilipinas matapos kumalas ang bansa sa Rome Statute noong 2019. Gayunman, naninindigan ang ICC na saklaw pa rin nito ang mga reklamong may kaugnayan sa mga alegadong krimeng naganap noong kasapi pa ang Pilipinas sa nasabing kasunduan.











