Dismayado ang National Public Transport Coalition (NTC) sa desisyon ng pamahalaan na magpatupad ng ₱12 kada litro na fuel subsidy bilang kapalit ng panukalang dagdag-pasahe para sa mga public utility vehicles (PUVs).
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay NPTc Convenor Ariel Lim, sinabi niya na naniniwala silang hindi sapat ang halaga upang matugunan ang patuloy na pagtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo. Gayunman, sinabi nilang nauunawaan nila ang limitasyon ng pamahalaan sa paglalaan ng pondo dahil marami ring sektor ang nangangailangan ng ayuda.
Sa kabila ng kanilang pagkadismaya, sinabi ng NTC na mas pinili nilang unawain ang naging desisyon ng gobyerno kaysa maglunsad ng transport strike. Iminungkahi rin ng grupo na ilaan na lamang ang iba pang cash assistance sa pagpapalawak ng fuel subsidy upang matiyak na ang tulong ay direktang mapupunta sa pagbili ng gasolina o diesel ng mga aktibong namamasadang tsuper.
Hiniling din ng National Public Transport Coalition na mapalawak ang programa upang makinabang ang lahat ng lehitimong may prangkisa, kabilang ang mga tricycle at iba pang pampasaherong sasakyan na hindi pa saklaw ng kasalukuyang fuel subsidy program.
Giit niya na paulit ulit ang sistema para sa public transport na tuwing may taas sa presyo ay hihiling sila ng katiting na dagdag pamasahe na resulta ng dereguladong krudo na nag reresulta sa strike at tigil pasada.
Kung matatandaan na kamakailan ay naglabas na rin ng pahayag ang Palasyo na humihiling na itigil ang ginagawang strikes ng Transport sector gayundin na nais pansamantalang huwag magpatupad ng taas singil dahil sa epekto nito sa mga mananakay.











