--Ads--

Kinuwestiyon ng PISTON ang desisyon ng pamahalaan na suspindihin ang ilang ayuda at fuel subsidy para sa sektor ng transportasyon, lalo na’t iniuugnay ito sa nalalapit na Barangay at Sangguniang Kabataan Elections o BSKE sa Nobyembre.

Sa panayam ng Bombo Radyo kay PISTON President Mody Floranda, sinabi niyang dapat ipaliwanag ng pamahalaan kung bakit kailangang suspindihin ang naturang tulong, lalo na’t maliit lamang umano ang natatanggap ng mga tsuper at operator.

Ayon kay Floranda, posibleng kulang ang pondong inilaan para sa mga programa, kabilang ang budget ng Department of Transportation o DOTr. Aniya, hindi dapat gamitin ang election ban upang pagtakpan ang umano’y kakulangan sa pondo.

Sinabi rin ni Floranda na ang kakulangan ng sapat na ayuda at fuel subsidy sa susunod na taon ay maaaring magpalala sa problema ng transport sector, lalo na sa harap ng inaasahang pagtaas ng presyo ng petrolyo.

--Ads--

Aniya, hindi lamang mga tsuper at operator ang maaapektuhan dahil maaari rin itong magdulot ng dagdag na pasanin sa mga commuter. May ilang tsuper din umanong napipilitang huminto sa pamamasada dahil sa mataas na operating cost at mababang kita.

Dagdag pa ni Floranda, may mga tsuper umanong nababawasan ng halos P1,000 kada araw ang kinikita, habang patuloy na tumataas ang presyo ng petrolyo kahit ibinaba na ang boundary.

Samantala, maglulunsad ang PISTON ng “kalampagan” sa mga terminal at palengke sa Setyembre 22 bilang pagtutol sa umano’y kapabayaan ng pamahalaan sa sektor ng transportasyon.

Naghahanda rin ang grupo ng mas malakihang pagkilos kung hindi tutugunan ang kanilang mga hinaing. Patuloy naman umanong pinag-aaralan ng pamahalaan ang petisyon ng PISTON para sa dagdag-pasahe na inihain noong Abril at nagkaroon ng hearing noong Mayo.

Kasama rin sa kanilang panawagan ang P1,200 minimum wage kada araw para sa mga manggagawa.