--Ads--

Tinatayang humigit kumulang isang milyong piso ang halaga ng pinsala ng nasunog na bahay sa barangay Minuri, Jones, Isabela nitong gabi ng Sabado, Mayo 30.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay FO3 Caroline Alviar, Chief ng Investigation and Intelligence Unit ng BFP Jones, sinabi niya na bandang 7:48 nang gabi nang maiparating sa kanilang himpilan ang insidente.

Bagama’t agad na rumesponde ang kanilang hanay, inabot pa ng 35 minutes bago nila narating ang lugar dahil nasa 33 kilometers ang layo nito mula sa istasyon at may mga bahagi rin ng kalsada na lubak-lubak.

Aniya, may kalakihan na ang apoy nang makarating sila sa Minuri ngunit naideklara ring fireout ang sunog pagsapit ng 8:53 ng gabi.

--Ads--

Batay sa inisyal na pagsisiyasat, maaaring nagmula ang sunog sa dirty kitchen ng bahay dahil batay sa salaysay ng may-ari, pagkatapos nilang magluto ay mayroon pang naiwan na baga sa kalan at sa ibaba nito ay mayroong mga kahoy na panggatong. Maaari umanong may nahulog na baga na siyang pinagmulan ng sunog.  

Umalis din kasi ng bahay ang may-ari nang gabing mangyari ang insidente.

Maliban dito ay wala naman nang nadamay na iba pang bahay.

Samantala, maliban sa barangay Minuri ay may naitala ring sunog sa isang residential house sa barangay Dibuluan, Jones, Isabela kahapon ng umaga, Mayo 31.

Ayon kay FO3 Alviar, nakatanggap sila ng tawag mula sa isang concerned citizen bandang 6:04 ng umaga at naideklarang fire out ng 6:53 ng umaga.

Hindi pa gaanong malaki ang sunog nang makarating sila sa lugar kaya agad ding naapula ang sunog.

Aniya, walang tao sa bahay nang maitala sa sunog.

Batay sa kanilang pagtaya, aabot ng dalawang milyong piso ang halaga ng pinsala.

Nagpapatuloy sa ngayon ang pagsisiyasat upang matukoy ang sanhi ng insidente.