--Ads--

Nadiskubre at winasak ng mga operatiba ng Philippine National Police (PNP) ang tatlong taniman ng marijuana sa Brgy. Loccong, Tinglayan, Kalinga.

Sa isinagawang operasyon, humigit-kumulang 300,000 halamang marijuana ang nasira, habang nasa 50 kilo naman ng tuyong dahon at fruiting tops ng marijuana ang nakumpiska.

Tinatayang nasa ₱66 milyon ang kabuuang halaga ng mga nasamsam na ilegal na droga.

Kasunod nito, binunot, idinokumento, at sinunog sa mismong lugar ang mga tanim na marijuana. Kumuha rin ng mga sample na isasailalim sa laboratory examination.

--Ads--

Pinuri ni PNP Chief Gen. Jose Melencio Nartatez Jr. ang mga operatiba dahil sa matagumpay na operasyon. Ayon sa kanya, nagpapatuloy ang kampanya ng PNP laban sa ilegal na droga upang mapanatiling ligtas ang mga komunidad, lalo na sa mga malalayong lugar.