--Ads--

Nasamsam ang 55 galon o humigit-kumulang 935 litro ng palm oil na nagkakahalaga ng P93,500 matapos maharang ang isang Hyundai H100 sa checkpoint sa Barangay Tactac, Sta. Fe, Nueva Vizcaya nitong Lunes, Setyembre 28.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PLT. John Paulo Catalan, Platoon Leader ng 205th Maneuver Company, Regional Mobile Force Battalion 2, sinabi niyang dakong alas-singko ng hapon nang maharang ng mga awtoridad ang sasakyan sa 24/7 border checkpoint ng Regional Mobile Force Battalion 2 sa kahabaan ng Dalton Pass.

Ayon kay Catalan, ang driver ay kinilalang si alyas “Ignas,” 47-anyos at residente ng Tayug, Pangasinan, na nagsabing dadalhin ang palm oil sa Aritao, Nueva Vizcaya.

Nang hingan umano ng permit, delivery receipt, sales invoice at iba pang dokumentong magpapatunay sa pinagmulan ng kargamento, wala itong naipakitang kaukulang papeles.

--Ads--

Napansin din ng mga awtoridad na unlabelled ang mga lalagyan ng palm oil at walang nakalagay na manufacturing date at pangalan ng manufacturer.

Sinabi ni Catalan na hindi naman ilegal ang pagbibiyahe ng palm oil, ngunit kinakailangan ang mga kaukulang dokumento at awtorisasyon kung ito ay ibibiyahe at ibebenta sa publiko.

Ayon pa kay Catalan, sinabi umano ng suspek na unang pagkakataon niyang bumili ng naturang produkto mula Urdaneta, Pangasinan dahil mas mura umano ang mantika roon. Siya rin umano ang may-ari ng tindahang pagbebentahan sana ng produkto sa Aritao.

Dahil dito, nahaharap ang suspek sa kasong paglabag sa FDA Act of 2009 o Republic Act 9711 kaugnay ng umano’y ilegal na pagbibiyahe ng palm oil.

Samantala, sinabi ni Catalan na makikipag-ugnayan ang pulisya sa Food and Drug Administration upang matukoy ang pinagmulan ng produkto at masuri ang mga nakumpiskang palm oil.

Nasa kustodiya na ng Sta. Fe Police Station ang suspek habang nananatili rin doon ang 55 galon ng nakumpiskang palm oil.