--Ads--

Hindi bababa sa sampung katao ang nasawi, kabilang ang ilang bata, matapos ilunsad ng Russia ang isa sa pinakamalaking missile at drone attack nito sa Ukraine nitong madaling araw ng Martes.

Ayon sa mga awtoridad, anim ang kumpirmadong patay sa lungsod ng Dnipro habang apat naman ang nasawi sa Kyiv matapos paulanan ng mga ballistic missile ang mga residential apartment. Dose-dosenang sibilyan din ang naiulat na sugatan.

Nagbabala naman si Kyiv Mayor Vitali Klitschko sa publiko na manatili sa mga bomb shelter habang patuloy na bumabalot ang makapal na usok sa sentro ng lungsod.

Ang matinding pag-atakeng ito ay kasunod ng banta ng Moscow noong nakaraang linggo na magsasagawa sila ng “systematic strikes” bilang ganti sa pag-atake ng Ukraine sa isang student dormitory na ginagamit umano bilang military unit ng Russia.

--Ads--

Samantala, isang drone attack naman mula sa Ukraine ang nagdulot ng sunog sa Ilsky Oil Refinery sa Krasnodar Krai, Russia, ngunit walang naiulat na nasugatan sa insidente.