Nasawi ang isang 11-anyos na batang lalaki matapos masangkot sa isang aksidente kaninang bandang alas-2 ng hapon nitong Huwebes, Marso 26, sa kahabaan ng National Highway sa Barangay Nueva Era, Cabatuan, Isabela.
Kinilala ang biktima na si Miko Earl Xian Calaunan, isang Grade 5 student at residente ng nasabing barangay, na idineklarang dead-on-the-spot ng mga rumespondeng rescue team dahil sa matinding pinsala sa ulo.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginoong Reynaldo Damo, isa sa mga unang rumesponde sa insidente, nasa loob lamang sila ng kanilang bahay at kumakain nang bigla silang makarinig ng malakas na kalabog mula sa kalsada. Paglabas nila, tumambad ang wasak na tindahan at isang tricycle na sinalpok ng isang Elf truck.
Tumilapon umano ang driver ng tricycle at isang matandang babae na sakay nito.
Sa gitna ng kaguluhan, may sumigaw na may nawawalang bata. Agad itong hinanap ni Damo at doon niya nadiskubre ang batang biktima na nakahandusay sa kalsada. Hindi na umano ito agad makilala dahil sa tindi ng pinsala.
Ayon sa mga saksi, galing umano sa bayan ng San Mateo ang Elf truck at patungo sana sa Aurora upang mag-deliver ng hollow blocks.
Habang binabaybay ang kalsada, tinangka umano ng driver na mag-overtake sa isang palikong van ngunit hindi napansin ang kasalubong na isa pang truck.
Dahil dito, nasagi muna ng Elf truck ang kasalubong na truck bago tuluyang nawalan ng kontrol at sumalpok sa isang tindahan at sa tricycle na nasa gilid ng kalsada.
Isinugod naman sa ospital ang lola na malubhang nasugatan at kasalukuyang ginagamot, habang tumanggi umano magpa-ospital ang driver ng tricycle.
Samantala, dinala naman sa himpilan ng pulisya ang driver ng Elf truck para sa karagdagang imbestigasyon.
Ayon sa kapatid ng biktima, inamin umano ng truck driver na siya ay inaantok habang nagmamaneho, na pinaniniwalaang naging sanhi ng aksidente.
Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya sa insidente, habang nananawagan ang mga awtoridad sa mga motorista na iwasan ang pagmamaneho kung inaantok upang maiwasan ang kaparehong trahedya.











