--Ads--

Nasira ang isang bahay matapos mabangga ng isang dump truck na umano’y nawalan ng preno sa Brgy. Nagassican, Santiago, Isabela.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginang Rosemarie Pagaduan, may-ari ng nasirang bahay, sinabi nito na paakyat sa naturang kalsada ang dump truck na may kargang lupa nang bigla umanong mawalan ng preno. Dahil dito, umatras at tuluyang dumiretso ang sasakyan hanggang sa bumangga ito sa kanilang bahay.

Ayon naman sa tsuper ng truck, sinubukan umano nitong iwasan ang dalawang tricycle na kasunod nito kaya nawalan ito ng kontrol at sa halip ay sa bahay tumama ang sasakyan.

Dahil sa lakas ng impact, malubhang nasira ang ilang bahagi ng bahay kabilang ang pader at mga bintana, habang nabasag din ang ilang kagamitan sa loob.

--Ads--

Ayon kay Ginang Pagaduan, mag-isa lamang siya sa loob ng bahay nang mangyari ang insidente. Una pa umano niyang inakala na may sumabog sa labas dahil sa lakas ng ingay, ngunit hindi pa niya agad nakita ang dumiretso na dump truck.

May tumamang mga bumagsak na gamit sa kanya kaya hindi siya agad nakalabas upang alamin ang nangyayari. Sa kabutihang palad, hindi siya nadaganan ng mabigat na cabinet na gawa sa kahoy na muntik nang bumagsak sa kanyang kinaroroonan.

Agad namang naalis ang truck matapos ang insidente at nagsagawa ng pag-uusap sa barangay ang magkabilang panig. Nagpahayag ang may-ari ng dump truck na sasagutin nito ang pagpapagawa sa mga nasirang bahagi ng bahay at ang mga natumbok na kagamitan.

Ayon pa kay Ginang Pagaduan, madalas na ang pagdaan ng malalaking truck sa kanilang lugar dahil sa kasalukuyang ginagawang kalsada.Bilang paalala, pinapayuhan ang mga tsuper ng malalaking sasakyan na tiyaking maayos ang preno at kondisyon ng kanilang mga sasakyan bago bumiyahe, lalo na sa mga paakyat o pababang kalsada.

Hinihikayat din ang mas maingat na pagmamaneho sa mga lugar na may mga kabahayan at ibang dumadaang sasakyan upang maiwasan ang disgrasya.

Sa mga residente naman, mainam na maging alerto sa pagdaan ng heavy vehicles sa kanilang lugar at agad ireport sa awtoridad kung may nakikitang delikadong sitwasyon sa kalsada.