Kailangan ng hindi bababa sa 11 boto upang ma-overturn ang naunang ruling na nagtakda ng 16 na boto bilang threshold para ma-convict si Vice President Sara Duterte sa impeachment trial.
Nilinaw ito ni impeachment court spokesperson Atty. Reginald Tongol matapos kumpirmahin ni Senate President Francis “Chiz” Escudero na boboto rin siya sa usapin.
Dalawampu lamang sa 24 na senator-judge ang maaaring bumoto dahil hindi makadadalo sina Senators Ronald “Bato” dela Rosa, Jinggoy Estrada, Rodante Marcoleta at Loren Legarda.
Kapag nagtabla ang boto, gaya ng 10-10, mananatili ang naunang ruling at 16 na boto pa rin ang kakailanganin para sa conviction.
Bago ang botohan, maririnig ng impeachment court ang legal na opinyon ng mga dating mahistrado ng Supreme Court na magsisilbing amicus curiae sa Setyembre 16.
Kabilang sa inaasahang magbibigay ng opinyon sina dating Chief Justices Artemio Panganiban at Reynato Puno, at dating Associate Justice Rodolfo Azcuna. Posible namang sa videoconference dumalo si dating Chief Justice Hilario Davide Jr.
Tatalakayin sa kanilang mga legal na opinyon kung maaari pang iapela ang naunang ruling at kung maaaring baguhin ang 16-vote baseline para sa conviction.
Isasagawa naman sa Setyembre 23 ang oral arguments ng House prosecution at defense bago ang botohan ng mga senator-judge sa usapin ng threshold.











