Umabot na sa 11 katao ang nasawi habang tatlo ang sugatan sa isang pamamaril sa KwaZulu-Natal, South Africa nitong Martes ng gabi, Setyembre 22, 2026.
Ayon sa pulisya, nasa loob ng isang bahay sa Ziko area sa KwaMakhutha ang 13 lalaki at isang babae na sinasabing buntis nang dumating ang tatlong lalaki at biglang nagpaputok.
Sampu sa mga biktima, kabilang ang babae, ang namatay sa lugar habang isinugod sa ospital ang mga sugatan. Isa sa mga ito ang kalaunang binawian ng buhay dahil sa tama ng bala.
Batay sa paunang imbestigasyon, ilan sa mga biktima ay nasa radar umano ng Crime Intelligence kaugnay ng mga ilegal na aktibidad. Gayunman, hindi muna ibinunyag ng pulisya ang mga detalye upang hindi maapektuhan ang isinasagawang imbestigasyon.
Hindi pa nakumpirma ang motibo sa pamamaril, ngunit hindi inaalis ng mga awtoridad ang posibilidad na may kaugnayan ito sa alitan ng mga magkakaribal na grupo.
Patuloy naman ang manhunt ng pulisya para sa tatlong suspek.











