Nasawi ang hindi bababa sa 11 katao sa operasyon ng mga awtoridad ng Mexico para arestuhin ang umano’y lider ng kartel na si Fausto Isidro Meza Flores sa Sinaloa state.
Ayon sa Mexican Defence Ministry, kabilang sa mga nasawi ang pitong hinihinalang miyembro ng kartel at apat na sundalo matapos ang magdamagang operasyon na nauwi sa matinding bakbakan.
Naaresto si Meza Flores, na kilala sa alyas na “El Chapo Isidro,” nitong Biyernes at inilipad sa Mexico City nitong Sabado.
Kasabay din niyang naaresto ang dalawa pang lalaki na kinilalang sina German N., alyas “Serafin,” na umano’y ikalawang pinakamataas na opisyal ng grupo, at Jose N., na sinasabing namamahala sa pananalapi ng kartel.
Nagdulot ng ilang oras na kaguluhan ang operasyon, kabilang ang palitan ng putok sa pagitan ng mga puwersa ng pamahalaan at mga armadong miyembro ng kartel.
Itinuturing si Meza Flores na isa sa mga pangunahing lider ng Meza-Flores Transnational Criminal Organization at dating pinuno ng Beltrán Leyva Cartel. Kabilang din siya sa listahan ng sampung most wanted fugitives ng Federal Bureau of Investigation (FBI) ng Estados Unidos.
Pinaghahanap siya ng US dahil sa umano’y pagpupuslit ng ilegal na droga sa kanilang bansa. Nag-alok din ang US ng limang milyong dolyar na pabuya para sa impormasyong magbibigay-daan sa kaniyang pagkakaaresto.











