--Ads--

Nagpasalamat ang tanggapan ng Persons with Disabilities (PWD) sa patuloy na suporta ng lokal na pamahalaan matapos ang serye ng programang inilunsad para sa kapakanan ng mga batang may kapansanan at kanilang mga pamilya.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PWD Officer Jonathan Galutera, sinabi niya na noong Hunyo 3 ay nagsagawa ng distribusyon ng school supplies katuwang ang mga city officials. Sa naturang aktibidad, umabot sa 168 batang PWD na naka-enroll sa mga pampublikong paaralan ang nakatanggap ng school bags, ballpen, notebook at iba pang school supplies.

Bukod dito, nakatanggap din ang lungsod ng 418 school bags mula sa Provincial Government bilang karagdagang suporta sa mga estudyanteng may kapansanan.

Nagkaloob din ang lokal na pamahalaan ng P175,000 livelihood assistance para sa grupo ng mga magulang ng mga batang may kapansanan na nakabase sa Central School.

--Ads--

Layunin ng proyekto na magtayo at magpatuloy ng operasyon ng kanilang canteen at pasalubong center, kung saan maaaring maipakita at maibenta ang mga produktong ginagawa ng mga bata habang may pagkakataon ding kumita ang mga magulang habang naghihintay sa therapy at iba pang sesyon ng kanilang mga anak.

Kabilang sa mga produktong ginagawa ng mga benepisyaryo ang mga souvenir items, beads at ilang food products bilang bahagi ng skills development ng mga bata.

Samantala, isang estudyante mula sa Research Annex ang nabigyan din ng electric wheelchair matapos direktang humiling ng tulong sa alkalde dahil sa hirap na paggamit ng karaniwang wheelchair sa pagpasok sa paaralan.


Ayon sa opisina ng PWD affairs, bukod sa school assistance ay patuloy rin silang nagbibigay ng financial assistance, therapy assistance at livelihood programs para sa mga PWD at kanilang pamilya.


Batay sa kanilang tala, nasa mahigit 400 benepisyaryo na ang nakatanggap ng iba’t ibang uri ng financial assistance.

Kasabay nito, binigyang-diin ng opisina ang patuloy na kampanya laban sa diskriminasyon at bullying sa mga PWD sa pamamagitan ng pakikipagtulungan sa Department of Education at pagsasagawa ng autism at Down syndrome awareness activities.

Samantala, nakatakda ring ilunsad ngayong Hulyo ang sports clinic para sa mga PWD bilang bahagi ng programa ng lungsod upang matukoy at mahasa ang mga posibleng atleta para sa mga susunod na Paralympic activities.


Magkakaroon din ng panibagong rollout ng livelihood assistance at skills development training mula Hulyo hanggang Disyembre katuwang ang iba’t ibang tanggapan ng pamahalaang lungsod.