Nasawi ang isang 18-anyos na lalaki matapos masangkot sa banggaan ng motorsiklo at wing van truck pasado 1:40 ng madaling araw ngayong Miyerkules, Pebrero 11, sa kahabaan ng Maharlika Highway, Purok Nieto, Barangay Batal, Santiago City.
Kinilala ang biktima na si Joe Agtarap Jr., residente ng Barangay Nagassican, Santiago City, na siyang nagmamaneho ng isang itim na motorsiklo. Sangkot din sa insidente si Oliver Paz, 54-anyos na drayber ng wing van truck, at residente ng Cordon, Isabela.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan sa Traffic Enforcement Unit ng Santiago City, sinabi na kapwa binabaybay ng motorsiklo at ng wing van truck ang daan patungong Barangay Divisoria. Ayon sa ulat, nasa inner lane ang truck habang nasa outer lane naman ang motorsiklo.
Batay sa paunang imbestigasyon, nang makarating sa lugar ng insidente ay lumiko pa-kanan ang wing van truck patungo sa isang bodega, dahilan upang bumangga ang motorsiklo sa kanang likurang bahagi ng nasabing sasakyan.
Dahil sa lakas ng impact, nagtamo ng malubhang pinsala ang drayber ng motorsiklo. Agad siyang isinugod ng rescue team ng lungsod sa Southern Isabela Medical Center, subalit idineklarang binawian ng buhay pasado alas 2:07 ngayong madaling araw. Wala namang naiulat na anumang pinsala ang drayber ng wing van truck.
Samantala, patuloy pang inaalam ng mga awtoridad ang kabuuang halaga ng pinsala sa mga sasakyang sangkot sa insidente habang nagpapatuloy ang imbestigasyon. Nakatakda rin ngayong araw ang pag-uusap ng pamilya ng biktima at ng drayber ng truck.











