Pinalalakas ng City Anti-Drug Abuse Office (CADAO) ng Santiago City ang kampanya laban sa ilegal na droga sa pamamagitan ng pagsasagawa ng pagsasanay para sa mga opisyal ng barangay na kabilang sa Barangay Anti-Drug Abuse Councils (BADAC).
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Rowelle Beltran, Administrative Aide VI ng City Anti-Drug Abuse Office, sinabi niyang isinagawa ang training na may temang “Capability Enhancement and Comprehensive Intervention Initiative” na dinaluhan ng 37 barangay chairpersons at iba pang opisyal mula sa iba’t ibang barangay sa lungsod.
Naging pangunahing tagapagsalita sa naturang aktibidad ang kinatawan ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) na nagbahagi ng mahahalagang kaalaman hinggil sa pagpapatibay ng kampanya kontra ilegal na droga at epektibong pagpapatupad ng mga programang pangkomunidad para sa drug prevention at intervention.
Ayon kay Beltran, layunin ng pagsasanay na higit pang mapalawak ang kaalaman at kakayahan ng mga opisyal ng barangay upang maging mas epektibo ang pagpapatupad ng mga programa ng BADAC at mapanatili ang ligtas at drug-free na mga komunidad.
Binigyang-diin niya na malaki ang ginagampanang papel ng mga barangay sa pagpapanatili ng kaayusan at kaligtasan ng kanilang nasasakupan kaya mahalagang mabigyan ang mga ito ng sapat na pagsasanay at gabay.
Dagdag pa niya, patuloy ang pakikipag-ugnayan ng CADAO sa iba’t ibang ahensya ng pamahalaan upang higit pang mapalawak at mapalakas ang kampanya laban sa ilegal na droga tungo sa isang mas ligtas at mapayapang Santiago City.











