Dalawang katao ang naaresto habang nasa ₱176,000 halaga ng ilegal na kahoy ang nasabat sa isinagawang anti-illegal logging operation ng Quirino Police Provincial Office (QPPO) sa bayan ng Maddela, Quirino.
Ayon sa QPPO, isinagawa ang operasyon bandang alas-1:12 ng hapon noong Hulyo 11 sa Purok 7, Barangay Jose Ancheta, Maddela sa pangunguna ng Quirino Provincial Intelligence Unit (QPIU) katuwang ang 2nd Quirino Provincial Mobile Force Company at Maddela Police Station.
Nahuli umano sa akto ang dalawang suspek na nagsasagawa ng ilegal na paglalagari ng kahoy na paglabag sa Presidential Decree No. 705 o Revised Forestry Code of the Philippines at Republic Act No. 9175 o Chain Saw Act of 2002.
Sa operasyon, nakumpiska ng mga awtoridad ang isang steel chainsaw at 179 na piraso ng ilegal na tablang kahoy na may kabuuang tinatayang 2,200 board feet.
Tinatayang nasa ₱176,000 ang halaga ng mga nasabat na kahoy.
Sinabi ni Quirino Provincial Director PCOL Paul Y. Gamido na patuloy nilang paiigtingin ang kampanya laban sa mga paglabag sa batas, kabilang ang mga krimeng nakasisira sa kalikasan, alinsunod sa Focused Agenda ng Philippine National Police.










