Natukoy ng mga awtoridad ang dalawang menor de edad na may edad 12 at 8 bilang persons of interest sa pagkamatay ng isang tatlong taong gulang na bata sa Natonin, Mountain Province.
Ayon kay Police Lieutenant Colonel Apdilon Chiday Galong ng Mountain Province Police Provincial Office, kumpirmado ang impormasyon ngunit hindi muna isinapubliko ang iba pang detalye alinsunod sa Juvenile Justice and Welfare Act of 2006 na nagpoprotekta sa mga menor de edad na sangkot sa kaso.
Batay sa imbestigasyon, noong Mayo 23 ay naiulat na nawawala ang tatlong taong gulang matapos sumama sa kanyang lola sa isang barangay activity sa Banawel Elementary School sa Sitio Batnong, Barangay Banawel.
Matapos ang magdamagang search operation ng mga awtoridad, kaanak, at mga residente, natagpuan ang bata na wala nang buhay sa likod ng St. Martin de Porres Chapel sa parehong lugar noong umaga ng Mayo 24.
Agad siyang isinugod sa ospital ngunit idineklara itong dead on arrival dahil sa traumatic brain injury.
Patuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad sa tunay na pangyayari sa likod ng insidente habang mahigpit na ipinapatupad ang mga batas na nagpoprotekta sa mga menor de edad na sangkot sa kaso.











