--Ads--

CAUAYAN CITY – Dalawang panibagong kaso na positibo sa COVID-19 ang naitalang muli sa lambak ng Cagayan ngayong araw.

Una ay si CV76 na isang 66-anyos na babae mula sa Amulung, Cagayan.

Mayroon siyang kasaysayan ng paglalakbay sa Antipolo, Rizal at nakauwi sa kanilang bayan noong ika-25 ng Hunyo at isinailalim sa quarantine facility ng Pamahalaang lokal ng Amulung.

Sa araw ding ito ay nakuhanan siya ng swab specimen at positibo ang resulta nito sa virus.

--Ads--

Walang sintomas ng sakit ang pasyente sa kasalukuyan at nasa pangangalaga ng Pamahalaang lokal ng Amulung.

Pangalawa ay si CV77 na isang tatlumpong taong gulang na babae, isang OFW sa Dubai, nakauwi sa Pilipinas noong ika-19 ng Hunyo at nakauwi sa kanilang bayan sa Baggao, Cagayan noong ika-24 ng Hunyo.

Isinailalim din ang pasyente sa quarantine facility na itinalaga ng Pamahalaang lokal ng Baggao.

Nakuhanan siya ng swab specimen sample noong ika-25 ng Hunyo at positibo ang resulta nito sa virus.

Wala ring sintomas ng sakit ang pasyente sa kasalukuyan at nasa pangangalaga ng Pamahalaang lokal ng Baggao.

Nagsasagawa na ng contact tracing ang DOH sa pamamagitan ng Regional Epidemiology and Surveillance Unit, katuwang ang DILG at PNP at kasama ang Pamahalaang Panlalawigan ng Cagayan, at Pamahalaang lokal ng Amulung at Baggao.

Sa ngayon ay umabot na sa sa 77 ang kaso ng COVID-19 sa ikalawang rehiyon.