--Ads--

CAUAYAN City – Patay ang mag-asawa habang nasugatan ang 8 anyos nilang anak matapos mabangga kagabi ng isang Starex Van ang sinasakyan nilang tricyle sa national highway sa Raniag, Ramon, Isabela.

Sa nakuhang impormasyon ng Bombo Radyo Cauayan sa Ramon Police Station, dead-on-the-spot sina Romeo Vicarme, tsuper ng tricycle at ang misis na si Casing habang nasugatan ang kanilang anak na si Althea.

Ang mga biktima ay pawang residente ng barangay Bugallon Proper, Ramon, Isabela.

Ang tsuper ng Starex Van ay si Ruben Abrenica, 49 anyos, negosyante at residente ng Purok 1, Raniag Ramon, Isabela.

--Ads--

Sa imbestigasyon ng Ramon Police Station, parehong patungo sa hilagang direksiyon ang dalawang sasakyan nang bigla umanong sumulpot ang tricycle mula sa isang kanto.

Hindi umano napansin ng tsuper ng van ang tricycle kaya nasalpok nito pagkatapos ay bumangga ang van sa concrete barrier sa gilid ng daan.

Ito ay nagdulot ng pagkasugat ng sakay ng van na isinugod sa ospital sa Santiago City kasama ang nasugatang sakay ng tricycle.

Sasampahan si Abrenica ng kasong reckless imprudence resulting in double homicide, physical injury and damage to property.