Dalawang katao ang nasawi habang tatlo naman ang nasugatan matapos ang pamamaril malapit sa isang street festival sa Toronto, Canada nitong Sabado.
Ayon sa Toronto Police, naganap ang insidente sa kahabaan ng St. Clair Avenue West at Arlington Avenue kung saan kasalukuyang idinaraos ang Salsa on St. Clair festival, isang pagdiriwang ng kulturang Latino.
Agad na rumesponde ang mga awtoridad at natagpuan ang limang biktima na may mga tama ng bala. Dahil dito, nagbabala ang pulisya sa publiko na iwasan ang lugar habang isinasagawa ang operasyon laban sa suspek.
Sa ngayon, wala pang inilalabas na impormasyon ang Toronto Police hinggil sa pagkakakilanlan ng suspek o kung may naaresto na kaugnay ng insidente.
Ang insidente ay naganap ilang linggo matapos ang isa pang madugong pag-atake sa Montreal kung saan dalawang katao, kabilang ang isang pulis, ang nasawi matapos pagbabarilin ng isang suspek na kalaunan ay napatay rin ng mga awtoridad.











