Dalawang Pilipino ang nasaktan sa magkahiwalay na insidente sa Kuwait at United Arab Emirates (UAE) habang tumitindi ang labanan sa pagitan ng US, Israel, at Iran.
Ayon kay Hans Leo Cacdac, Secretary ng Department of Migrant Workers (DMW), isang Filipina sa isang restaurant sa Kuwait International Airport ang nagtamo ng “very minor injuries” matapos tamaan ng debris mula sa drone strike sa Terminal 1 noong hapon ng Pebrero 28. Nakalabas siya ng ospital kinabukasan.
Kinilala ng Kuwait-based news site The Times Kuwait ang biktima bilang 27-anyos na Camille Joy Dacanay, na nagtatrabaho sa food service division ng paliparan. Kasama siya sa 32 foreign nationals na nasaktan sa insidente.
Sa UAE, iniulat ng UAE Ministry of Defence na kabilang ang mga Pilipino sa 58 katao na nagtamo ng “minor injuries” matapos tamaan ng Iranian drones ang ilang civilian areas. Hindi tinukoy ang eksaktong bilang at pagkakakilanlan ng mga Pilipino.
Sa kabuuan, may humigit-kumulang 975,000 OFWs sa UAE at 211,000 sa Kuwait, kabilang sa pinakamalaking komunidad ng Pilipino sa Gitnang Silangan, na may kabuuang 2.5 milyong OFWs.
Binanggit naman ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na si 32-anyos na caregiver Mary Ann de Vera ang kauna-unahang Pilipinong nasawi sa kasalukuyang digmaan, matapos mamatay sa Tel Aviv, Israel habang inaalagaan ang kanyang nakatatandang ward noong Pebrero 28.
Pinayuhan ni Marcos ang mga OFWs na manatili sa ligtas na lugar habang hinihintay ang pagkakataon na makalikas, at sumali sa panawagan para sa ceasefire sa rehiyon.











