Arestado ang tatlong hinihinalang sangkot sa pagbebenta ng ilegal na droga matapos ang ikinasang buy-bust operation ng mga operatiba ng Santiago City Police Office sa Barangay Rosario, Santiago City.
Ang tatlong suspek ay pawang residente ng nasabing lungsod.
Ang operasyon ay isinagawa ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) ng Santiago City Police Station 3, katuwang ang iba pang law enforcement units at sa koordinasyon ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Region 2.
Nakumpiska mula sa mga suspek ang tinatayang 0.93 gramo ng hinihinalang shabu na may katumbas na standard drug price na ₱6,324, kabilang ang buy-bust money na ginamit sa operasyon.
Nahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa Section 5 (Sale of Dangerous Drugs) at Section 11 (Possession of Dangerous Drugs) ng Republic Act No. 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Samantala, muling nagpaalala ang Santiago City Police Office sa publiko na makiisa sa kampanya laban sa ilegal na droga sa pamamagitan ng pagbibigay ng impormasyon sa mga awtoridad hinggil sa mga ilegal na aktibidad sa kanilang komunidad.
Binigyang-diin naman ng pulisya na magpapatuloy ang kanilang pinaigting na kampanya kontra ilegal na droga bilang bahagi ng kanilang layunin na mapigilan ang pagkalat ng ipinagbabawal na gamot at mapanatili ang kapayapaan at kaayusan sa lungsod.










