--Ads--

Nagpositibo sa initial screening ang apat na tsuper ng pampublikong sasakyan sa isinagawang surprise drug testing ng mga awtoridad sa apat na bus terminal sa Santiago City nitong Agosto 28.

Pinangunahan ng Philippine Drug Enforcement Agency o PDEA Region 2 ang operasyon, katuwang ang Land Transportation Office (LTO) Santiago Satellite Office, Traffic Enforcement Unit (TEU) ng Santiago City at Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB).

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PDEA Region 2 Regional Director Gil Cesario P. Castro, sa isang press conference, sinabi nito na isinagawa ang biglaang drug testing bilang bahagi ng pinaigting na kampanya laban sa pagmamaneho sa ilalim ng impluwensya ng ilegal na droga at upang matiyak ang kaligtasan ng mga pasahero.

Ipinaliwanag ni Castro na hindi nangangahulugang awtomatikong ipapasok sa rehabilitation ang apat na tsuper matapos lumabas ang positibong resulta sa initial screening.

--Ads--

Kinakailangan pa aniyang isagawa ang confirmatory testing at sundin ang itinakdang proseso sa ilalim ng Republic Act No. 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

Ang susunod na hakbang para sa bawat nagpositibong tsuper ay batay sa magiging resulta ng confirmatory test, kabilang ang posibleng kaukulang aksyon ng LTO sa kanilang driver’s license at ng LTFRB kaugnay sa kanilang pagiging tsuper ng pampublikong sasakyan.

Samantala, nanatiling katuwang ang TEU sa pagpapatupad ng mga traffic regulation sa lungsod, habang nakatuon naman ang PDEA sa anti-drug component ng operasyon.

Layunin ng naturang hakbang na matiyak na ang mga tsuper ng pampublikong sasakyan ay nasa maayos na kondisyon at ligtas na nakapagmamanneho habang naghahatid ng mga pasahero.

Samantala, ikinatuwa naman ng ilang driver ang isinagawang biglaang drug testing ng mga awtoridad bilang bahagi ng kampanya laban sa pagmamaneho sa ilalim ng impluwensya ng ilegal na droga.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginoong Richard Pelle, sinabi nitong mahalaga ang naturang hakbang upang matiyak na ang mga tsuper ng pampublikong sasakyan ay nasa maayos na kondisyon at walang impluwensya ng pinagbabawal na gamot habang nasa lansangan.

Ayon kay Pelle, makatutulong din ang regular at biglaang drug testing upang mapanatili ang tiwala ng mga pasahero sa pampublikong transportasyon, lalo na’t kaligtasan ng publiko ang pangunahing nakataya sa bawat biyahe.