Pinangunahan ng Philippine Drug Enforcement Agency o PDEA, katuwang ang K9 unit, ang monitoring sa mga courier services sa Cauayan City bilang bahagi ng patuloy na kampanya laban sa ilegal na droga.
Nakatuon ang naturang hakbang sa pagtukoy sa mga kahina-hinalang package na maaaring gamitin sa pagdadala o pagpapadala ng ilegal na droga at iba pang kontrabando.
Mahalaga rin ang papel ng mga K9 unit sa naturang operasyon dahil ginagamit ang mga sinanay na aso sa pagtukoy sa posibleng presensya ng mga ilegal na droga sa mga package.
Ayon sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ysmael G. Atienza, Chairman ng Isabela Anti-Crime Task Force o IACTF kinakailangan ang patuloy na pagbabantay at koordinasyon ng mga kinauukulang ahensya upang maiwasang magamit ang courier services sa ilegal na aktibidad.
Samantala, hindi lamang nakatuon sa mga courier service ang kampanya ng mga awtoridad, kundi kabilang din dito ang patuloy na koordinasyon at monitoring sa iba pang posibleng daluyan ng ilegal na droga.
Sa pamamagitan ng pakikipagtulungan ng PDEA, K9 units, IACTF at iba pang law enforcement agencies, layunin ng mga awtoridad na mapalakas ang kanilang kakayahan sa pagtukoy at pagpigil sa pagpasok ng ilegal na droga sa lungsod.
Hinikayat naman ang publiko na maging mapagmatyag at agad ipagbigay-alam sa kinauukulan ang anumang kahina-hinalang package o aktibidad na maaaring may kaugnayan sa ilegal na droga.











