--Ads--

Inanunsyo ng Department of Energy (DOE) na inaasahang darating sa bansa sa susunod na linggo ang 300,000 barrels ng diesel, bilang bahagi ng hakbang upang matiyak ang suplay sa gitna ng pandaigdigang krisis sa langis.

Ayon kay Energy Secretary Sharon Garin, binili ng Philippine National Oil Company (PNOC) ang diesel mula sa isang bansang nasa Southeast Asia, ngunit hindi na pinangalanan. Ang suplay ay ibebenta ng PNOC sa mga oil players sa parehong presyong binili nila.

Ipinaliwanag ni Garin na ang arrangement ay ginawa dahil wala nang sariling fuel storage facilities ang pamahalaan mula nang ipatupad ang oil deregulation law halos tatlong dekada na ang nakalipas.

Gayunpaman, aminado ang DOE na hindi sapat ang 300,000 barrels upang tugunan ang pangangailangan ng bansa, dahil tinatayang isang milyong barrels ng fuel ang nauubos kada limang araw.

--Ads--

Kaugnay nito, nakikipag-ugnayan na ang DOE sa mga bansang gaya ng China at Russia para sa karagdagang suplay. Kamakailan, nakipagpulong si Garin kay Chinese Ambassador Jing Quan upang talakayin ang bilateral cooperation sa energy sector.

Binanggit ng kalihim na mas mahalaga ang pagkakaroon ng suplay kaysa sa kontrol ng presyo, dahil ang presyo ay nakadepende sa pandaigdigang merkado.