--Ads--

Nasamsam ang mahigit ₱132,000 na halaga ng hinihinalang shabu mula sa isang 38-anyos na mekaniko sa Barangay 4, San Mateo, Isabela sa isinagawang pagsisilbi ng search warrant ng mga awtoridad.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PMaj. Ericson Aniag, Chief of Police ng San Mateo Police Station, sinabi niya na sa kanilang paggalugad sa tinutuluyang kwarto ng suspek sa isang motorshop ay nakumpiska ang 32 piraso ng transparent plastic sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu na may timbang na humigit kumulang 20grams.

Ito ay may estimated drug value na ₱132,000 pesos dahilan upang ituring na high value individual ang suspek.

Maliban sa illegal na droga ay nasamsam din sa kaniyang pag-iingat ang ilang bala ng baril.

--Ads--

Ang paghahain ng search warrant laban sa suspek ay nag-ugat sa mga impormasyong nakuha ng kanilang himpilan kaugnay sa illegal na aktibidad ng suspek.

Batay sa kanilang pagmamanman, iba-ibang indibidwal ang nagtutungo sa kaniyang tinutuluyan lalo na tuwing gabi na mula sa karatig na mga bayan ng San Mateo.

Sa pamamagitan ng isinagawa nilang test buy ay nakumpirma ang ilegal na gawain ng suspek.

Ayon kay PMaj. Aniag, maaaring nagmula umano sa Maynila ang suplay nito ng ilegal na droga dahil batay umano sa suspek ay bumibiyahe sila pa-Maynila para rito.

Samantala, bagama’t naideklara nang drug-cleared ang bayan ng San Mateo noong Disyembre 2025 ay patuloy pa rin ang ginagawa nilang pagmamanman upang mapigilan ang muling pagkalat ng ilegal na droga sa bayan ng San Mateo.