Nasawi ang limang katao sa karambola ng tatlong sasakyan sa kahabaan ng pambansang lansangan sa Barangay Rizaluna, Alicia, Isabela.
Batay sa nakuhang impormasyon ng Bombo Radyo Cauayan mula sa mga nakasaksi, binabagtas umano ng isang trailer truck ang national highway patungong timog na direksyon nang biglang sumabog ang harapang gulong nito dahilan upang mawalan ng kontrol ang tsuper.
Dahil dito ay bumangga ito sa kasalubong na Multi-Purpose Vehicle o MPV at sa isang motorsiklo bago tuluyang sumalpok sa isang puno sa gilid ng kalsada.
Apat sa anim na magkakapamilyang sakay ng MPV ang nasawi habang dalawa naman ang nakaligtas kabilang ang isang batang tumilapon mula sa sasakyan at isang babaeng pasahero na agad naisugod sa pagamutan.
Napag-alaman na ang pamilya ay bumiyahe pa mula Fairview, Maynila at patungo sana sa Ilagan City upang magbakasyon at bisitahin ang kanilang mga kamag-anak nang mangyari ang trahedya.
Samantala, idineklarang dead on arrival sa ospital ang rider ng motorsiklo. Ayon sa inisyal na impormasyon, nakasuot naman umano ito ng helmet ngunit dahil sa lakas ng impact ng pagkakabangga ay tumilapon ang kanyang helmet dahilan upang magtamo ng matinding pinsala sa ulo at likod na naging sanhi ng kanyang pagkamatay.
Hindi naman gaanong nasaktan ang dalawang sakay ng trailer truck.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay alyas “Lily,” isa sa mga nakasaksi sa insidente, sinabi nitong naglilinis lamang siya ng motorsiklo nang makarinig ng malakas na pagsabog mula sa gulong ng sasakyan.
Paglingon umano nito sa kalsada ay nakita na lamang niya ang mga nakahandusay na biktima at ang mga wasak na sasakyang sangkot sa aksidente.
Mayroon namang narekober na dashcam mula sa MPV na gagamiting ebidensya sa nagpapatuloy na imbestigasyon ng mga otoridad upang matukoy ang buong detalye ng insidente.











