Dalawang katao ang sugatan matapos ang banggaan ng isang motorsiklo at SUV sa National Highway ng Brgy. Tagaran, Cauayan City, madaling araw ng Lunes.
Sa ulat ng Cauayan City Police Station, ang insidente ay naganap bandang alas-2:20 ng madaling araw.
Ayon sa imbestigasyon, ang mga sasakyang sangkot ay parehong patungong hilaga o papuntang Lungsod ng Ilagan, Isabela, kung saan nauuna ang motorsiklong Yamaha Mio Sporty na minamaneho ni Mark Nagelo Lejeta, kasama ang backrider na si Kenneth Joe Cabungal.
Sa likuran naman nito ay ang isang Isuzu Crosswind na minamaneho ni Albert Tolentino , 61-anyos, residente ng Brgy. District 1, Cauayan City.
Batay sa paunang imbestigasyon, habang parehong bumabaybay sa kahabaan ng pambansang lansangan, aksidenteng nabangga ng SUV ang motorsiklo mula sa likuran. Dahil dito, nagtamo ng mga sugat sa iba’t ibang bahagi ng katawan ang drayber at pasahero ng motorsiklo.
Agad silang isinugod ng Rescue 922 sa Isabela United Doctors Medical Center para sa medikal na atensyon.
Parehong nagtamo rin ng pinsala ang dalawang sasakyan na kasalukuyang nasa kustodiya ng Cauayan Component City Police Station para sa kaukulang imbestigasyon at disposisyon.











