--Ads--

Nasawi ang apat na railway workers matapos silang mabangga ng isang express train habang nagsasagawa ng weed control work sa riles sa Shin-Kanuma Station sa Tochigi Prefecture, Japan.

Ayon sa mga awtoridad, tatlo sa mga nasawi ay workers habang isa ang kanilang supervisor. Isinugod sila sa ospital ngunit kalaunan ay idineklarang nasawi.

Nasa lugar din ang anim pang katao, kabilang ang dalawang workers, tatlong lookout at isang site supervisor, ngunit ligtas ang mga ito. Wala ring nasugatan sa tinatayang 50 pasaherong sakay ng tren.

Inaalam pa ng mga awtoridad kung bakit hindi agad umalis sa riles ang mga biktima nang paparating na ang tren at kung ano ang naging papel ng mga lookout bago ang insidente. Patuloy ang imbestigasyon sa sanhi ng aksidente.

--Ads--

Humingi naman ng paumanhin ang Tobu Railway at nangakong magpapatupad ng mga hakbang upang hindi na maulit ang naturang insidente. Pansamantalang sinuspinde ang operasyon sa linya bago muling ipinagpatuloy makalipas ang ilang oras.