Lalong lumakas ang aktibidad ng manufacturing sector sa Pilipinas noong Hulyo matapos umakyat sa 51.8 ang Manufacturing Purchasing Managers’ Index (PMI) mula sa 50.9 noong Hunyo, ayon sa S&P Global.
Ito na ang ikatlong sunod na buwan ng pagtaas ng PMI at ang pinakamataas na antas nito sa nakalipas na limang buwan, hudyat ng mas matatag na produksyon at pagdami ng mga bagong order bunsod ng mas malakas na demand.
Ayon sa S&P Global, tumaas din ang purchasing activity ng mga kumpanya upang matugunan ang lumalaking pangangailangan. Gayunman, nananatiling hamon ang pagkaantala sa supply chain at pagtaas ng gastos na iniuugnay sa nagpapatuloy na tensyon at digmaan sa Middle East.
Bagama’t gumanda ang kalagayan ng sektor, nanatiling maingat ang mga manufacturer sa kanilang pananaw sa mga susunod na buwan. Bumaba rin ang bilang ng mga empleyado noong Hulyo dahil sa mga boluntaryong pagbibitiw at hindi agad pagpapalit sa mga umalis na manggagawa.
Sa kabila nito, inaasahan ng S&P Global na ang pagtaas ng demand at produksyon ay magbibigay ng positibong simula sa ikalawang kalahati ng taon para sa manufacturing sector ng bansa.











