--Ads--

Iniulat ng Department of Energy (DOE) na limang renewable energy (RE) projects na may kabuuang kapasidad na 128.9 megawatts (MW) ang ganap nang operational, na itinuturing nitong paunang hakbang sa pagpapalawak ng green energy supply ng bansa.

Ayon sa DOE, nagsimula nang mag-operate noong Abril 17 ang mga sumusunod na proyekto: 20.6 MW Hermosa Solar Power Project ng Solana Solar Alpha Inc., 17.5 MW Taft Solar Power Project ng Taft Solar Energy Corp., 8 MW Biomass Cogeneration Plant Expansion ng Central Azucarera de San Antonio, 52.8 MW Cordon Solar Power Project ng Greenergy For Global Inc., at 30 MW Arayat 3A Solar Power Project ng Citicore Solar Pampanga 1 Inc..

Bahagi ang mga ito ng kabuuang 25 RE at energy storage projects na may target na pinagsamang kapasidad na humigit-kumulang 1,471 MW na inaasahang ganap na makukumpleto bago matapos ang Abril 2026.

Samantala, nasa final stage na rin ang natitirang 20 proyekto at target ding matapos sa loob ng parehong panahon.

--Ads--

Upang matiyak ang napapanahong implementasyon, nakikipag-ugnayan ang DOE sa National Grid Corporation of the Philippines, Energy Regulatory Commission (ERC), at Independent Electricity Market Operator of the Philippines para sa mga kinakailangang proseso tulad ng transmission, interconnection, inspeksyon, rehistrasyon, at metering.

Pinuri naman ni Energy Secretary Sharon Garin ang mga developer at ahensya na sangkot sa mabilis na pagsulong ng mga proyekto. Aniya, bawat renewable energy project na naisasakatuparan ay mahalaga sa pagpapalakas ng energy independence ng bansa, pagbabawas ng pag-asa sa imported fuel, at pagtiyak ng mas malinis at matatag na suplay ng kuryente.

Binigyang-diin din ng DOE na mahalaga ang pagpapabilis ng renewable energy development lalo na sa gitna ng patuloy na volatility sa pandaigdigang merkado ng enerhiya, partikular na dulot ng mga kaganapan sa Middle East.

Patuloy namang imo-monitor ng DOE ang progreso ng natitirang mga proyekto upang matiyak ang pagkamit ng target na kapasidad sa itinakdang panahon.