--Ads--

Arestado ang isang 55-anyos na Indian national na nahaharap sa kasong estafa matapos isilbi sa kanya ang warrant of arrest sa Purok 2, Barangay Banggot, Bambang, Nueva Vizcaya noong Agosto 20.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PCapt. Julius Cesar Abon, hepe ng Bambang Police Station, sinabi niyang inirekomenda ng korte ang piyansang P108,000 para sa pansamantalang kalayaan ng suspek.

Kinilala ang suspek sa alyas Sukhjit, biyudo at negosyante, na tubong India ngunit mahigit 25 taon nang naninirahan sa Bambang, kung saan siya nag-asawa at nagtayo ng negosyo.

Ayon kay PCapt. Abon, isang kapwa Indian national mula Solano, Nueva Vizcaya ang complainant sa kaso matapos umano magkaroon ng financial obligation ang suspek sa naturang complainant.

--Ads--

Naaresto si Sukhjit dakong alas-sais ng gabi sa bisa ng warrant of arrest na inilabas noong Hulyo 8, 2026 ng Regional Trial Court Branch 29 sa Bayombong, Nueva Vizcaya. Isinagawa ang operasyon ng Bambang Police Station katuwang ang iba pang yunit ng PNP.

Samantala, arestado kamakailan ang mag-live-in partner sa Bambang matapos mahulihan ng humigit-kumulang walong gramo ng hinihinalang ilegal na droga na nagkakahalaga ng mahigit P60,000 sa isinagawang buy-bust operation.