CAUAYAN CITY – Nakahanda ang pamunuan ng 5th Infantry Division, Philippine Army sa deklarasyon at banta ng CPP-NPA na magsasagawa ng opensiba laban sa pamahalaan.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Sgt. Jake Lopez ng 502nd Infantry Brigade, sinabi niya na bagamat abala ang hanay ng mga kasundaluhan sa pagtugon sa kinakaharap ng bansa tungkol sa coronavirus disease (COVID-19) ay hindi sila nagiging kampante dahil sa mga operasyon ng makakaliwang grupo.
Aniya, may mga naitalagang units ang militar na nangunguna sa information gathering laban sa makakaliwang grupo upang mamonitor ang galaw ng mga ito.
Ayon pa kay Sgt. Lopez hindi nila hahayaan na makapagsagawa ng anumang karahasan ang grupo sa kabila ng krisis na kinakaharap ng bansa.
Batay sa naitala ng militar aabot sa 37 pag-atake ang isinagawa ng makakailwang pangkat sa kasagsagan ng tigil putukan sa pagitan ng tropa ng pamahalaan at ng CPP-NPA.











