--Ads--

Patay ang hindi bababa sa anim na katao habang ilan pa ang nasugatan matapos magkaroon ng stampede sa Ashok Dham Temple sa distrito ng Lakhisarai sa Bihar, India nitong Lunes.

Ayon sa mga awtoridad, naganap ang insidente dahil sa matinding dagsa ng mga deboto na nagtungo sa templo upang mag-alay ng tubig kay Lord Shiva bilang bahagi ng pagdiriwang ng banal na buwan ng Shravan.

Sinabi ni Sub-Divisional Police Officer (SDPO) Shivam Kumar na anim na deboto ang nasawi sa insidente habang agad namang rumesponde sa lugar ang mga pulis at mga opisyal ng lokal na pamahalaan upang magsagawa ng rescue operations.

Patuloy pa ang imbestigasyon ng mga awtoridad upang matukoy ang buong detalye ng insidente at ang eksaktong bilang ng mga nasugatan.

--Ads--