--Ads--

Sugatan ang limang bystander at isang rider matapos mawalan ng kontrol ang isang motorsiklo at sumalpok sa mga taong nasa gilid ng kalsada sa Barangay Masaya Norte, San Agustin, Isabela, kagabi, Oktubre 3.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PMaj. Ranilo Bumagat, Chief of Police ng San Agustin Police Station,sinabi nito na  naganap ang insidente dakong alas-10:30 ng gabi nang bumibiyahe pahilaga patungong Jones, Isabela ang isang itim na Yamaha big bike na may plakang 729DDM na minamaneho ng isang lalaki na kalahok sa San Agustin Eco-Tourism Ride 2026.

Nang makarating sa isang matarik na kurbada sa naturang lugar ay nag-overshoot umanp ang rider dahilan upang nawalan ito ng kontrol  sa manibela ng motorsiklo at araruhin ang ilang bystander bago tuluyang tumilapon at bumagsak sa kalsada.

Kabilang sa mga nasugatan ang tatlong indibidwal na pawang nasa wastong gulang at residente ng Diffun, Quirino, gayundin ang dalawang menor de edad na kapwa residente ng San Agustin, Isabela.

--Ads--

Dahil sa tinamong mga injury, agad na isinugod ang rider sa Southern Isabela Medical Center sa Santiago City habang dinala naman ng mga rumespondeng tauhan ng Bureau of Fire Protection at MDRRMO ang mga sugatang bystander sa Prospero G. Bello Integrated Hospital sa Jones, Isabela para sa kaukulang gamutan.

Ayon kay PMaj. Bumagat, kakaalis lamang ng mga kalahok na rider sa starting area ng San Agustin Eco-Tourism Ride. Tinatayang nasa 800 meters umano ang layo ng pinangyarihan ng insidente sa starting point.

Posible na hindi lamang umano kabisado ng  rider ang kalsada lalo’t ang mga kalahok sa aktibidad ay nagmula pa sa iba’t ibang mga lugar.

Sa ngayon ay patuloy pa ang imbestigasyon ng pulisya upang matukoy ang buong detalye ng insidente.