--Ads--

Natagpuan nang patay at nasa decomposition stage na ang isang 43-anyos na tricycle driver sa loob ng kaniyang bahay sa Purok 6, Barangay Masaya Centro, San Agustin, Isabela, nitong Biyernes ng umaga, Oktubre 9.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Barangay Kagawad Rogelio Adriano, sinabi niyang nagtungo siya sa barangay hall bandang alas-8 ng umaga nang lapitan ng isang residente na nagpasama upang magbayad umano ng renta sa lupa sa biktima.

Pagdating sa bahay ng lalaki, ilang ulit silang tumawag ngunit walang sumasagot. Napansin din nila ang masangsang na amoy mula sa paligid ng bahay kaya ipinaalam ito ni Adriano sa barangay captain at iniulat sa pulisya.

Bandang alas-9 ng umaga nang rumesponde ang San Agustin Municipal Police Station. Nang buksan ang pinto, nakita ang bangkay ng biktima na nakahiga sa isang sofa bed malapit sa dining area.

--Ads--

Ayon kay Adriano, huling nakita ang lalaki noong Oktubre 5. Nagpadala rin umano ng mensahe ang residenteng kasama nito na magbabayad ng sanla kinabukasan, ngunit hindi na nakatanggap ng tugon mula sa biktima.

Sa ulat ng pulisya, nagtungo rin sa bahay ang pinsan ng biktima na si Armando Santos, isang barangay kagawad, upang gisingin sana ito. Gayunman, napansin din niya ang masangsang na amoy bago natuklasan ang bangkay.

Nakipag-ugnayan ang mga awtoridad sa Santiago City Forensic Unit at Scene of the Crime Operatives (SOCO) para sa pagproseso sa lugar at kumpirmasyon ng pagkamatay.

Ayon sa pamilya, wala silang pinaghihinalaang foul play at nagpasya silang huwag nang isailalim sa autopsy ang labi ng kanilang kaanak. Lumagda rin sila sa isang notarized affidavit of waiver.

Sa ngayon, wala pang opisyal na inilalabas na impormasyon ang mga awtoridad tungkol sa sanhi ng pagkamatay ng lalaki.