Nasawi ang isang 22-anyos na Aluminum fabricator matapos bumangga ang minaneho nitong motorsiklo sa isang Van sa San Fermin, Cauayan City, Isabela.
Batay sa inisyal na imbestigasyon ng Cauayan City Police Station, kapwa binabagtas ng dalawang sasakyan ang national highway patungong Cabatuan, Isabela kung saan nasa unahan ang van habang nasa likuran naman ang motorsiklo.
Pagdating sa tapat ng isang establisimyento, tangka umanong kumaliwa ang van upang pumasok sa naturang lugar. Gayunman, kasabay nito ay nagsasagawa na umano ng pag-overtake ang rider ng motorsiklo.
Lumalabas sa imbestigasyon na mabilis ang takbo ng motorsiklo nang tangkain nitong lampasan ang van dahilan upang mabangga nito ang likurang bahagi ng sasakyan.
Dahil sa lakas ng impact, nagtamo ng matinding pinsala sa iba’t ibang bahagi ng katawan ang rider.
Agad siyang dinala sa pagamutan upang mabigyan ng lunas ngunit idineklara ring dead on arrival ng attending physician.
Nagtamo rin ng pinsala ang van at motorsiklo, bagaman hindi pa matukoy ng mga awtoridad ang kabuuang halaga ng pinsalang dulot ng aksidente.
Patuloy naman ang isinasagawang imbestigasyon ng pulisya upang matukoy ang iba pang detalye kaugnay ng insidente.











