Nasawi ang anim na katao habang 17 ang sugatan matapos mahulog sa 50 hanggang 100 metrong lalim na bangin ang isang Elf truck na may sakay na 23 katao sa Talubin-Barlig Road sa Sitio Jakap, Barangay Talubin, Bontoc, Mountain Province nitong Martes ng tanghali.
Bandang alas-12:40 ng tanghali nang mangyari ang aksidente habang bumiyahe umano ang truck mula Isabela patungong Bakun, Benguet sa pamamagitan ng Paracelis Road.
Narekober naman ng mga rescuer ang lahat ng 23 sakay ng sasakyan.
Labing-anim sa mga sugatan ang dinala sa Bontoc General Hospital para sa gamutan at assessment, habang isa pa ang isinugod sa Luis Hora Regional Memorial Hospital. Dalawa naman ang na-discharge matapos sumailalim sa medical evaluation.
Samantala, nakikipag-ugnayan ang Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office sa mga kinauukulang awtoridad para sa pagdadala sa mga labi ng anim na nasawi sa kanilang mga lugar na pinagmulan.
Nagpaabot naman ng pakikiramay ang Mountain Province Provincial Disaster Risk Reduction and Management Council sa mga pamilya ng mga nasawi at hiniling ang mabilis na paggaling ng mga sugatan.











