--Ads--

Umabot na sa pitong milyong pamilya sa buong bansa ang nakinabang sa libreng bigas na ipinamamahagi ng pamahalaan sa ilalim ng Bagong Pilipinas Rice Program.

Ayon kay Executive Secretary Ralph Recto, mahigpit ang direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na tiyaking walang maiiwang pamilyang Pilipino at walang magugutom sa pamamagitan ng patuloy na pagpapatupad ng programa.

Sa isinagawang pamamahagi kamakailan sa Oriental Mindoro, pinangunahan ni Recto ang distribusyon ng tig-10 kilong bigas sa 55,000 pamilya.

Kasabay nito, inilapit din sa mga benepisyaryo ang iba pang serbisyo ng pamahalaan. Sinabi ni Recto na malinaw ang utos ng Pangulo na tiyaking direktang nararamdaman ng mga mamamayan ang mga programa ng gobyerno.

--Ads--

Dagdag pa niya, bahagi rin ng inisyatiba ng administrasyong Marcos ang pagbili ng bigas mula sa mga lokal na magsasaka upang suportahan ang kanilang kabuhayan habang natutulungan din ang mga pamilyang nangangailangan.

Unang ipinatupad ang libreng pamamahagi ng bigas sa Metro Manila, at ngayon ay unti-unti na itong pinalalawak sa iba’t ibang lalawigan sa buong bansa.