Umabot na sa walo ang bilang ng mga napaulat na nasawi kasunod ng magnitude 7.8 na lindol sa Sarangani nitong Lunes ng umaga, ayon sa Office of Civil Defense (OCD).
Batay sa impormasyon mula sa mga local disaster risk reduction and management council, sinabi ni OCD Deputy Spokesperson Diego Mariano na napaulat na tatlo ang nasawi sa Davao Occidental, tatlo sa General Santos City, at dalawa sa South Cotabato.
Patuloy namang bineberipika ng ahensya ang napaulat na mga nasawi.
Kinumpirma ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) na ang paggalaw sa Cotabato Trench ang sanhi ng magnitude 7.8 na lindol na yumanig sa Mindanao ngayong Lunes.
Ayon kay Phivolcs research specialist Winchelle Sevilla, ang parehong trench din ang nagdulot ng 1976 Moro Gulf earthquake at tsunami na ikinamatay ng libo-libong katao.











