--Ads--

Patuloy ang Philippine Coast Guard o PCG sa search operations para sa mga nawawalang sakay ng MV June Aster na nasunog noong gabi ng Setyembre 9.

Kasabay nito, nagsasagawa rin ng masusing imbestigasyon ang mga awtoridad upang matukoy ang sanhi ng insidente at iba pang mga pangyayari na may kaugnayan sa sunog sa barko.

Ayon sa PCG, nagsagawa ng pag-iikot sa MV June Aster ang kanilang mga tauhan kasama ang PNP Forensic Unit, Bureau of Fire Protection at Coron Municipal Police bilang bahagi ng maritime safety at crime investigation.

Layunin ng operasyon na makakalap ng karagdagang ebidensya na makatutulong sa patuloy na imbestigasyon habang nagpapatuloy rin ang paghahanap sa mga nawawalang pasahero at tripulante.

--Ads--

Samantala, umabot na sa 7,865 galon ng oily water mixture ang nakolekta mula sa barko bilang bahagi ng environmental protection measures ng mga awtoridad.

Patuloy ring mino-monitor ng PCG ang kondisyon ng MV June Aster at ang karagatan sa paligid nito upang matiyak na walang magiging epekto sa kapaligiran at maiwasan ang posibleng oil spill.

Tiniyak naman ng PCG na magpapatuloy ang search operations at monitoring activities hanggang sa makumpleto ang imbestigasyon at matiyak ang kaligtasan ng karagatan sa lugar ng insidente.