
CAUAYAN CITY – Pumalo na sa mahigit animnaraan ang naitalang lumabag sa ipinapatupad na community quarantine sa lunsod ng Ilagan.
Batay sa talaan ng City Admin Office, sa pagsasailalim sa lunsod sa Enhanced Community Quarantine (ECQ) noong Marso ay umabot sa isang daan ang naitala ng mga kasapi ng City Traffic Mobile Group (CTMG) sa mga pangunahing lansangan sa lunsod.
Habang noong Abril ay bumaba naman ito na umabot lamang sa 27 subalit noong Mayo ay tumaas ulit ito na umabot sa halos limang daan.
Sa unang apat na araw naman ng buwan ng Hunyo ay nasa 43 paglabag na ang kanilang naitala kaya patuloy ang maigting na pagpapatupad ng mga kasapi ng CTMG at POST sa mga alituntunin sa mga lansangan.
Ang nakikita umano nilang dahilan nito ay ang pagsailalim sa lunsod sa GCQ.
Kaugnay nito, sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, nakiusap si City Traffic Supervisor Sherwin Balloga sa mga motorista na kung maari ay huwag ng lumabas kung hindi naman kailangan.
Manatili na lamang aniya sa kanilang mga tahanan para hindi na makadagdag pa sa mga motoristong pumapasok sa lunsod at para mapangalagaan na rin ang kanilang kalusugan.










