
CAUAYAN CITY – Tiniyak ng pamahalaang panlalawigan ng Isabela na may matatanggap na ayuda mula sa Department of Agriculture (DA) ang mga magsasaka ng mais na naapektuhan ng tagtuyot.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Governor Rodito Albano, sinabi niya na nauna na siyang kinausap ni kalihim William Dar ng DA may kaugnayan sa nasabing ayuda maliban pa sa ginagawa nilang pakikipag ugnayan sa mga trader ng mais na mula sa Norte na maaaring pagbentahan ng mga aning mais ng mga magsasaka.
Paliwanag ng Gobernador na ngayon ay wala pang kooperatiba para sa mga magsasaka ng mais tulad ng super coop ng mga magsasaka ng palay na nakakatulong sa pagpapataas ng presyo ng palay.
Sa ngayon ay pinag-aaralan pa kung paano ang gagawing paglalaan ng pondo para sa mga magsasaka ng mais dahil hindi ito maaring bilhin ng pamahalaan para ipamigay sa mga tao.
Nilinaw naman ni Governor Albano na mahihirapan silang matugunan ang kahilingang pantawid pamasahe ng mga corn farmers na magagamit sa paghahatid ng kanilang mga produkto gayunman ay pinag-aaralan pa rin ng Pamahalaang Panlalawigan ang pamamahagi ng certified seeds at fertilizes bilang subsidiya.
Maliban dito ay namamahagi rin ng mini dump truck ang pamahalaang panlalawigan sa mga malalayong barangay upang magamit ng mga magsasaka sa paghahatid ng kanilang mga produkto.

Samantala, malabo aniyang ideklara ang state of calamity sa lalawigan sa kabila nang inaasahang lawak ng pinsala sa mais.
Aniya, mas gusto niyang magsulong ng ayuda na magmumula sa pamahalaan sa halip na pautangin ang mga magsasaka nang may interest.










