
CAUAYAN CITY – Agad na nakipagpulong ang bagong talagang Mayor ng Maddela, Quirino sa mga opisyal ng pamahalaang lokal upang pag-usapan ang mga dapat gawin sa kanyang pag-upo bilang bagong punong bayan.
Matatandaan na nagpasya si dating Mayor Florante Ruiz na magbitiw para pagtuunan ng pansin ang kanyang iniindang sakit.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Mayor Rimel Tolentino, bagong mayor ng Maddela, Quirino, sinabi niya na nagpulong sila ng mga konsehal kasama ang bise mayor upang pag-usapan ang paghahanda sa pondo para sa susunod na taon.
Ayon kay Mayor Tolentino, itutuloy niya ang mga adhikain at programa ng dating mayor.
Tiniyak niya na walang mga manggagawa na itinalaga ng dating mayor ang aalis o matatanggal sa kanyang administrasyon lalo na at may dinaranas na pandemya.
Wala rin siyang papalitan sa development plans at programs ng kanilang bayan kundi maghahanap lamang sila ng alternatibo upang ito ay mas madaling maisakatuparan.
Aniya, hindi naman siya mahihirapan dahil nasimulan na ang mga programang kailangan niyang ipatupad o isagawa at ang tanging gagawin na lamang niya ay ituloy ito at tapusin dahil kung ititigil niya ay masasayang lamang ang inilaang pondo.
Dagdag niya na maghihigpit pa rin ang pamahalaang lokal ng Maddela sa mga pumapasok sa kanilang bayan bilang pag-iingat sa COVID-19.
Ayon kay Mayor Tolentino, handa ang kanilang mga quarantine facilities dahil pati ang mga barangay ay may sarili na ring isolation facility at maari ring gamitin ang mga hotels.
Binibigyan din ng Livelihood Assistance ng pamahalaang lokal ang mga locally stranded individuals (LSIs) at Returning Overseas Filipinos (ROFs) upang sila ay may pagkakakitaan matapos mawalan ng trabaho dahil sa pandemya.
Irerekomenda naman ni Mayor Tolentino ang anak ng dating mayor na uupo bilang kasapi ng pambayang konseho.










