
CAUAYAN CITY – Inilunsad ng Pamahalaang Barangay ng District 2, Cauayan City ang digital log book at manual log book bilang bahagi ng kanilang pinaigting na kampanya kontra COVID-19.
Ito ay pagkatapos ng kontrobersiyal na pagpositibo ng isang estudyante ng kolehiyo sa kanilang nasasakupan matapos na dumalo sa isang face to face class.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Punong Barangay Eleazar Mico Delmendo, sinabi niya na ikinadismaya niya ang pangyayari subalit wala na silang magagawa pa dahil nasa ilalim na ng pangangasiwa ng kolehiyo ang pangangalaga sa estudyante.
Gayunman ay mas kailangan na lamang higpitan ang ipinapatupad na minimum health standard para matiyak na hindi makakapasok sa kanilang nasasakupan ang COVID-19.
Dahil dito, hinikayat niya ang lahat ng mga establisyimento na magtalaga ng kanilang digital at manual log book system.
Samantala, pansamantalang itinalagang isolation facility ang kanilang barangay day care center maliban pa sa limang isolation tents na mula sa pamahalaang lunsod.
Wala pa rin aniyang naitatalang mga indibiduwal na nakakapasok sa barangay District 2 na hindi dumaan sa tamang proseso sa mga itinalagang ruarantine border checkpoint.
Maliban sa COVID-19 ay wala ring naitalang anumang reklamo ang barangay sa naging pamamahagi ng mga ayuda na mula sa Pamahalaan.
Tiniyak ni punong barangay Delmendo na tuloy tuloy pa rin ang mga inilulunsad na proyekto ng kanilang barangay para sa kanilang mga nasasakupan.










