--Ads--

CAUAYAN CITY – Hindi inasahan ng Rank 2 sa Licensure Examination for Teachers (LET) nitong Setyembre 2021 na tubong Cagayan na siya ay mapapabilang sa mga topnotchers.

Pumangalawa sa pagsusulit si Czendra Faye Compares na tubong Tuguegarao City na nakakuha ng 93.20% sa exam. Siya ay nagtapos sa Cagayan State University o CSU Andrews ng Bachelor of Science in Secondary Education Major in Biology.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni Compares na hindi pa rin siya makapaniwala na siya ang Rank 2 sa LET Exam.

Ang kanyang tatay ang unang nakaalam nang ilabas ang resulta kagabi at sa mga kapatid pa nito unang ipinabatid bago sinabi sa kanya na siya ang Top 2 kaya labis silang natuwa.

--Ads--

Si Compares ay nagtuturo ngayon ng high school sa St. Louis University Tuguegarao, panganay sa tatlong magkakapatid at ang kanyang tatay ay isang Field Officer ng DSWD habang ang kanyang nanay naman ay housekeeper.

Hindi niya makalimutan noong bago ang pagsusulit dahil sa guidelines ng Professional Regulation Commission o PRC na pagsailalim nila sa antigen test bago mag exam dahil nangamba siya na posibleng magpositibo at hindi makapag-exam na halos dalawang taon nilang hinintay na matuloy dahil sa COVID-19 pandemic.

Sinabi pa ni Compares na ipinagdasal niya na makapasa at makapasok sa top 10 ngunit hindi inaasahan na makamit niya ang Top 2.

Mananatili siya sa pamantasan kung saan siya nagtuturo ngayon bilang pasasalamat sa tiwala sa kanya nang kunin siyang magturo rito.