
CAUAYAN CITY – Isasara ngayong araw ang mga business establishments, mga paaralan at ilang opisina sa pamahalaan dahil sa posibleng kaguluhan matapos magpaso na ang ibinigay na palugit ng mga oposisyon sa pagbaba sa puwesto ni Prime Minister Ariel Henry.
Magugunitang noong kalagitnaan ng Enero ay binigyan ng oposisyon ng hanggang ikapito ngayong Pebrero na bumaba sa puwesto ang kanilang punong ministro.
Inihayag ni Bombo International News Correspondent Nene Sylvain, Pilipinang guro sa Haiti na hindi pa politically stable ang naturang bansa at hindi pa malaman kung anong gagawing aktibidad ng oposisyon.
Hindi rin anya matiyak ang kaligtasan ng mga mamamayan sa naturang bansa.
Simula noong Biyernes ay nagsara na ang ilang paaralan at ngayong Lunes ay lahat ng mga paaralan ay isasarado na.
Noong araw ng Sabado ay nagsimula na ang Mass Protest sa capital City ng Haiti na Port-au-Prince at may putok ng baril ang narinig.
Nangangamba sila na maaring kumalat pa sa ibang bahagi ng bansa ang mas malaking Mass protest.










